Friday, February 20, 2009

T.G.I.B. (Thanks God I'm Busy)


Sa ngayon ay inihanda ko na ang aking desktop. Bilang paghahanda, tinanggal ko muna ang aero features nito at ginawa ko ring standard ang window. Sayang din kasi ang resources na kinakain ng mga ito.

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa lahat ng biyayang aking natatanggap. Hindi man nya ako pinapayaman, ay binibigyan naman nya ako lagi ng bagong karunungan na magagamit ko sa aking pang araw-araw na pamumuhay. Pamumuhay na kailanman ay hindi naging kabagot-bagot bagkus ay laging may pinagkakaabalahan. Ako kasi yung tipo ng lalaki na medyo bastos (err) tsuri, ako pala yung tipo ng tao na hindi mapakali kapag walang ginagawa. Madalas nga ay sinasabihan ako ng aking mahal na asawa na magpahinga naman. Minsan kasi habang nagpapahinga ako ay kumukuha naman ako ng libro or magazine upang basahin. Kaya't parang hindi rin ako nakakapag-pahinga. Pero gusto ko ang ganitong pamumuhay, at minsan ay naiisip ko na tama nga siguro ang opinyon nila tungkol sa akin na mayroon yata akong A.D.H.D. Hindi ko alam, baka nga.

Kung mayroon man, dapat ko ba itong ika-lungkot o ika-galak? ayon sa aking mga nabasa, kabilang ang mga sikat na personalidad sina Michael Jordan, Albert Einstein, Tiger Woods, Yngwie Malmsteen at iba pa. Silang mga nanguna sa kanilang mga piniling tahakin na landas. Ngunit ako? Hindi siguro... malayong-malayo pa ang aking lalakbayin. Naalala ko tuloy ang isang artikulong isinulat ng aking sinusubaybayang blogista na si Dr. RJ. Sa kanyang Chook-Minders Quill, nailathala ang Byaheng Langit. Marahil ay isa rin ako sa mga balahibong nililipad ng hangin na hindi alam kung saan papunta, napakarami kong landas na natatahak. Nandyan ang Graphics Design, Web Development, Photography, Music, Sports at "poging" (err) tsuri ulit, "pagiging" isang Guro. Katulad ng isang balahibo, kung saan-saan ako napapadpad. Hindi katulad ng iba na parang rocket na diretso lamang ang lipad at alam ang tinatahak na landas diretso sa target o pupuntahan ng mabilis at mataas.

Ngunit kahit ganito, masaya naman ako. Naeenjoy ko rin naman kahit papaano ang aking paglalakbay. Tulad ngayon, Marahil ay magiging kaunti ang aking oras sa pagsulat dito sa aking blog at sa pagtugtog ng aking bagong gitara. Mayroon kasing tatlong proyekto ang nakapila sa akin. Tatlong website ang aking gagawin na uubos ng aking oras. Masayang masaya ako ngayon dahil bilang isang guro, mayroon pa akong ibang pagkakakitaan. Unti-unti narin akong nakikilala ng mga kliyente upang irekomenda para sa serbisyong kailangan nila tulad ng pagpapa-ayos ng computer, pag-gawa ng disenyo ng tarpaulin para sa kanilang mga espesyal na kaganapan, at ngayon nga ay nagpapagawa narin sila ng website. Kahit na magiging abala ako, masaya naman. Hindi man malaki ang aking kinikita sa pagiging guro, hindi naman mababayaran ang respetong aking nakukuha mula sa iba't-ibang tao na aking pinaglilingkuran. Sana ay dumami pa ang proyekto at sana ay bigyan ako ng sapat na lakas at kaalaman upang makapaglingkod ng maayos at masaya. Ngunit sa kabila nito, magiging bihira na nga akong makasubay-bay sa mga blog. Pero pipilitin ko parin na sumilip-silip dahil masaya rin ako kapag nababasa ko ang mga artikulo nila.

3 comments:

  1. Sir, tama po yung sinabi nyo. Na kahit mababa ang sahod sa pagtuturo, hindi matutumbasan ng halaga ang sinasabing respeto na nakukuha nyo sa pinili nyong propesyon. Kaya ako, kahit may mga prof ako na hindi magaling mag-turo e hindi ko iniaalis ang pag-galang sa kanila.

    Tama po yan, be thankful to god.

    ReplyDelete
  2. Special mention pala ako rito! Ngayon ko lang nabasa...

    Kumusta na?

    Merry Christmas!

    ReplyDelete